Kapag nakikita kong may kakaibang di ko malaman kung ano sa aking sarili, naiisip kong sumulat, bagaman at hindi naman talaga ako isang manunulat. Ako ay nagbabaka-sakaling sa pagsulat kong ito ay kahit papaano ay may matuklasan akong ibang paraan ng pagtanaw sa mga bagay-bagay.
Kay bilis ng panahon. Magtatatlong taon na pala simula noong siya ay una kong nakilala. Mga taong naging mapagbiro na minsan ay nakakasakit na. Hindi ko inakala na aabot ako sa ganitong katagal na pagkakasangkot sa isang paghanga. Subalit kung titingnan ay pahintu-hinto din naman. Sa mga nakaraang araw, nais kong sabihin na hindi na ako apektado. Na ganyan talaga ang buhay sa simula't sapul pa lang. Na hindi lahat ng kagustuhan ay nakukuha. At hindi lahat ng binibigay, nagagantihan.
Gayon pa man, kahit na nalaman ko nang ganoon ang iyong paniniwala, at ito'y nirerespeto ko naman, hindi ko pa rin masasabing ako ay natapos na. Nais ko pa ring sumubok pa.
Ang pinagpapasalamat ko lang ngayon ay ang diretsahang pangyayaring iyon. Walang paliku-likong usapan. Diretso sa katotohanan.