Friday, May 10, 2013

Labas na


         Nagising si Diego mula sa ugong ng mga makina ng kalapit na pabrika. Paulit-ulit ang kanyang ginagawa pagkatapos gumising. Ang punahin ang kanyang despertador dahil sa hindi pagtunog nito na siyang dahilan ng paggising niya ng matagal. Ang pagmuni-muni at pagngiwi ng mukha na para bagang may malaking pagkadismaya. Kasunod nito ay ang tila dahan-dahang paglubag ng sariling loob, ngunit ganun pa man, hindi pa rin maipagkakaila ang kanyang mabigat na damdamin. Ganun pa man, patuloy siya sa pagsunod sa kanyang pang-araw-araw na nakaugaliang mga gawain. Pagkatapos magpasyang tumayo na sa kinauupuan ay dumiretso siya sa banyo. Naghilamos. Nagmumog. Pagkatapos ay ang pagkatagal-tagal na pagsuklay ng kanyang buhok gamit ang mga kamay. Maging sa banyo ay tulala pa rin si Diego. Nakakatitig lamang siya sa salamin habang hinahagod pa ang buhok. Sa kababawan ng salaming iyon nakikita ni Diego ang malalim at malinaw-linaw pang mga kahapon.

        Magiliw na naglalambingan si Deigo at ang nobya niya noong si Monica. Walang bahala ang mapupusok na magsing-irog sa pagpapadama ng kani-kanilang nadarama para sa isa't isa. Araw-araw na magkasamang nagtatawanan at naghaharutan. Gabi-gabing magkaakbay habang minamasdan ang kalawakan. Ngunit ito ay dahan-dahang lumabo. Ang sa simula na kay tamis na pag-iibigan ng dalawa ay unti-unting tumabang. Ang dating kay init na paglalambingan sa katagalan ay lumamig din. At dumating na nga sa puntong kailangan nang maihayag ito sa mga salita. "Sa tingin ko ay walang kahahantungan ang anuman ang meron tayong dalawa." wika ni Monica. Laking gulat ni Diego sa mga binitawang salita ng dalaga. Hindi niya mawari kung saan nag-ugat ang ganitong paniniwala ng nobya. "Anong ibig mong sabihin? Masaya naman tayo, hindi ba? Mahal natin ang ginagawa natin. Mahal natin ang isa't isa". Ngunit ang mga kasunod na kataga na siyang tugon ni Monica sa pagtataka ni Diego ay tila kay hirap lulonin. "Masyado tayong nagmadali noon. Masyado akong nagmadali. Akala ko tama ang aking pasya. Akala ko mahal kita. Pasenya na, Deigo". Halos hindi nakaimik si Diego sa mga binanggit ni Monica. Wala siyang mahanap na salitang isasagot at sa halip ay naluha na lang. Hindi niya inakalang hahantong sa ganito ang dating masaya at parang walang katapusang pagmamahalan. Kasabay naman nito ang pag-alis ni Monica na nagsabing maaari pa na man daw silang maging mabuting magkaibigan. Kinabukasan, dala-dala pa ang preskong sakit ng pinagdaanan, ay nakasalubong ni Diego si Monica kasama ang bagong nobyo nito. Ang mas nakakainis pa ay ang pagbati ng dalaga na animo'y walang nangyari. Nakangiti na parang ang saya-saya. Pilit na nilunok ni Diego ang tila kay laking batong bumubuo sa kanyang lalamunan at sabay kinurap-kurap ang mga mata na para bang may pinipigilang makawala.

            Ang katok sa pintuan ang humila kay Deigo pabalik sa kasalukuyan. Paulit-ulit na tinatanong ng boses sa kabilang banda kung siya ba ay tapos na para naman magamit na ng kasunod ang banyo. Tinapos ni Diego ang mapait na pagmumuni-muni sa pamamagitan ng pagbitiw ng malaking buntong-hininga na para bang sinasabi sa sariling wala nang magagawa pa kung hindi ay tanggapin ang nangyari at magpatuloy na sa buhay. "Palabas na" wika ni Diego.