Sunday, August 5, 2012

Parang kailan lang...

Kakat'wang isipin na sa paglipas ng panahon, kay daming pagbabago.

Parang kailan lang ay isang uhuging batang iyakin lang ako. Na palaging nakadepende sa kuya at ate, sa dalawang tiyahin, sa lola at lolo.

Parang kailan lang ay nagtatatakbo pa ako kasama ang ibang walang kaproble-problemang kabataan na ang iniisip lamang ay magkatuwaan.

Parang kailan lang ay naninibago at namamangha pa ako sa kalawakan ng lupain ng aking Mataas na Paaralan, mga aparatong bago sa paningin, at sa iba't ibang pakikitungo sa akin.

Parang kailan lang ay tila kay layo pa ng mga lalakbayin. Kay dami pang tatahakin - ang ipasa ang Sekondarya at danasin ang buhay Terserya.

Parang kailan lang, kay dali at sarap aralin ng bawat asignatura. Kay sarap magsaya, kay gaan sa ginhawa.

Parang kailan lang nang makilala ko ang iba't ibang taong tumulong humulma sa kung sino't ano ako sa ngayon.

Parang kailan lang nang minsang nadiskaril at napariwara ako. Naging pabaya sa pag-aaral, naging bisyado.

Parang kailan lang nang maisipan kong tama na, kailangan nang magbago. Kailangan nang makalimot sa ano mang kailangang limutin at ituon ang pansin sa kung anong mga dapat na gawin.

Heto ako ngayon pagkatapos nang kay raming taon na napagdaanan. Sumaya't nalungkot, nabalisa't nahinahon, nahirapa't naginhawaan, at higit sa lahat, nakaranas na masaktan.

Sa bawat hampas ng alon sa kay haba ng panahon na ako'y naglakbay, heto ako't paulit-ulit na umaahon at patuloy sa pagsabak sa buhay. Sa bawat kapintasan at katuwiran na aking naranasan, marami akong natutunan, at kailan may ang mga ito'y hinding-hindi ko malilimutan.

Parang kailan lang ay wala akong paki-alam sa kung ano man sa buhay. Ngayon napagtanto kong kay sarap mabuhay kung lahat ng aspeto'y pagnilay-nilayang tunay.